Tuesday

Governor LRay Villafuerte defends Aga Muhlach amidst disqualification case


Mainit na pinag-uusapan ngayon ang masalimuot at magulong pagpasok sa pulitika ng aktor na si Aga Muhlach.

Nakapag-file na ang aktor ng kandidatura bilang kinatawan sa ika-apat na distrito ng Camarines Sur, na pinayagan at inaprubahan naman ito ng Commission on Elections (Comelec).

Pero nasilipan siya ng butas ng kanyang mga katunggali sa pulitika.

Ang pagkukuwestiyon sa kanyang residency sa naturang lugar ang nakitang mabisang paraan ng kanyang mga kalaban para mapigilan ang aktor sa kanyang hangaring maging congressman sa 2013 elections.

Nakapuntos naman ang mga kalaban ni Aga dahil mismong Municipal Circuit Trial Court ng San Jose sa Camarines Sur ay nagdesisyong hindi napatunayan ni Aga at ng kanyang asawang si Charlene Gonzalez-Muhlach na sila ay residente ng naturang lugar.

Bunga nito, na-disqualify din ang aktor sa kanyang kandidatura dahil hindi siya botante doon.

Ang nakikitang pag-asa na lamang ni Aga ay ang paghahain ng apela sa Regional Trial Court ng San Jose, Camarines Sur, para mabasura ang pagkaka-disqualify ng kanyang kandidatura.


GOVERNOR VILLAFUERTE. Ang kampo ng aktor ay naniniwalang malulusutan ni Aga ang isyung ito.

At isa sa may positibong pananaw ukol dito ay ang kaibigan ni Aga na si Camarines Sur Governor Luis “LRay” Villafuerte.

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Governor Villafuerte sa birthday party ni Atty. Ferdinand Topacio noong Biyernes ng gabi, November 9, sa isang restaurant sa Metrowalk.

Sabi ng gobernador, "Yung kalaban niya, 104 years na sa pulitika na walang nakakalaban.

“Ngayong may nakakalaban nang malakas sila e kinakasuhan na left and right si Aga.”

Ang katunggali ni Aga sa kanyang kandidatura ay si Felix William “Wimpy” Fuentebella, anak ng incumbent congressman ng fourth district ng Camarines Sur na si Arnulfo Fuentebella.

Patuloy ni Governor Villafuerte, "Simple lang naman po, e—karapatan ng bawat Pilipino na magrehistro.

“Yung sinasabi nila na hindi siya tagaroon e puwede nilang ikuwestiyon yun.

“Pero yung Comelec na mismo ang nagsabi na they have the right to register.

"Hangga’t hindi po sabihin ng Korte Suprema na di siya puwede, makakaboto pa rin siya at makakatakbo siya.”

Kahit nagdesisyon na ang Municipal Court ng San Jose, Camarines Sur, na hindi na puwedeng tumakbo si Aga, buo pa rin ang loob ni Aga at ni Charlene na malalampasan nila ito.

Sabi naman ni Governor Villafuerte, “Ang mga tao nga, tuwang-tuwa sa kanila, siyempre idol nila sila.

“At saka wala naman talagang makaka-question na ang pamilya ni Aga ay hindi taga-CamSur.

“Si Amalia Fuentes [Aga’s aunt] ay talagang taga-CamSur.

“May picture nga nung bata sina Aga sa CamSur na naglalaro sila.

“So, yun pong mga black propaganda, desperate move na talaga yun ng mga kalaban niya."


AGA'S HOUSE IN CAMSUR. Naungkat din ang bahay na tinitirhan ngayon ng pamilya ni Aga sa Camarines Sur.

Ang sabi, hindi naman daw pag-aari talaga yun ng aktor.

Ayon kay Governor Villafuerte, "Bahay ng kapatid ng mayor na dati naming kasama yun.

“Hindi naman talaga [kina Aga iyon], kasi yung family home nila talaga ay nabenta na yun.

"Pangalawa, kaya siya [Aga] may lupang binili, dahil nagpapagawa siya ng bahay.

“May ginagawa, so habang ginagawa, kailangan niyang maghanap ng bahay.”


SURVEY SAYS. Ayon pa sa gobernardor, batay sa lumalabas na survey ay napakalakas ni Aga.

Ito raw ang dahilan kaya hindi tinitigilan ang aktor upang mapigilan sa kanyang pagtakbo.

Saad ni Governor Villafuerte, "Sobrang lakas, sobrang gusto ng mga tao, at sure na mananalo talaga.

“Kasi, kumbaga sa basketball, alam mong matatalo ka kaya yung ginagawa ng kalaban ay kinukuha yung bola para di ka na makapaglaro.

“Pero kung patas ang laban, alam nilang talo sila.

“Sa survey, lumalabas na 70-30 percent. Seventy percent is in favor of Aga.

“Pero ngayon, sinasabi ng kalaban na hindi totoo yun.

“E, bakit kung di totoo yun, bakit nila kinakasuhan?

"Tsaka yung kalaban niya, dati ko nang kalaban yun, tinalo ko na yun…

“Tsaka sabi ng tao, 104 years na ang pamilya Fuentebella [sa puwesto].

“Kumbaga sa putahe, ano ba naman yung sumubok tayo ng bago [ng] three years?

“E, di kung hindi makapag-perform si Aga e di galawin natin.

"Tsaka alam n’yo naman si Aga, nasa industriya kayo, despite of his age, he's still on top. Walang mga isyu.

“Sabi nga niya minsan, nagdyo-joke siya na wala naman silang makitang isyu sa kanya…”

Magkaiba ng political party na kinaaaniban sina Governor Villafuerte at Aga: ang gobernador ay dati nang miyembro ng Nacionalista Party; si Aga ay bagong miyembro ng Liberal Party.

Kilalang matalik na magkaibigan sina Aga at Governor Villafuerte dahil madalas ay sa Camsur Watersports Complex pa, na pag-aari ng gobernador, idinadaos ang kaarawan. — Rodel Fernando, PEP.ph

source: gmanetwork.com