Sunday
Joey de Leon, inihayag na wala siyang planong pasukin ang pulitika
Habang nakabitin ang usap-usapan sa planong pagpasok sa pulitika ni Vic Sotto sa 2013 elections, inihayag naman ng kanyang kaibigan na si Joey de Leon na wala itong balak na kumandidato sa anumang posisyon sa gobyerno.
Kamakailan ay inamin ni Sen Tito Sotto na napag-uusapan ang posibleng pagpasok na rin ng kanyang kapatid at kapwa host sa Eat Bulaga na si “Bossing" Vic, sa pulitika sa darating na halalan.
Pagiging alkalde ng Quezon City ang sinasabing posibleng takbuhan ni Vic kunsaan maaari niyang makalaban ang kapwa artista na si Herbert Bautista, na kasalukuyang alkalde ng lungsod.
Sakabila ng mga balitang ito, wala pang malinaw na pahayag na galing mismo kay Vic kung tatakbo nga siya sa eleksiyon.
Sa ulat ni Glen Sibonga na lumabas sa Philippine Entertainment Portal (PEP.ph), sinabi ni Joey, host din sa Eat Bulaga, na narinig na niya ang balitang pagpalaot sa pulitika ng kanyang kaibigang si Vic.
Pero siya man daw ay walang naririnig na mismong galing kay Vic kung tatakbo nga ito sa halalan.
“Narinig ko na iyan. Well, isa ako sa dapat makaalam niyan kung totoo siyempre. Wala akong naririnig kay Vic. Baka manunurpresa siya. Nababalitaan ko nga iyan," pahayag ni Joey sa lumabas na ulat sa PEP.
Ngunit tiniyak ni Joey na suportado niya kung sakaling magdesisyon si Vic na pasukin ang pulitika.
Nang tanungin si Joey kung siya man ay may planong pasukin ang pulitika, tugon ng tinaguriang entertainment guru ng Philippine showbiz: “Wala, ang hirap, e. Paano ka lalayas ]mag-abroad]? Ang hilig kong lumayas, e. 'Pag pumasok ka sa pulitika, hindi mo na magagawa lahat iyan. Kasi mag-iiba ang priorities mo. Hindi talaga ako for politics." – FRJ, GMA News
source: gmanetwork.com
Labels:
Actor,
Eat Bulaga,
Election,
Entertainment,
Joey de Leon,
Philippine Showbiz,
Philippines,
Politics,
Tito Sotto,
TV Host,
Vic Sotto