Wednesday
Dolphy, planong ipagpatayo ng rebulto sa Quezon City
Plano ng lokal na pamahalaan ng Quezon City na magpatayo ng rebulto para sa namayapang Comedy King na si Dolphy.
Ang proyekto ay magiging bahagi ng plano para mapatingkad pa lalo ang pagkilala sa lungsod bilang 'Entertainment Capital of the Philippines' at 'City Of Stars'.
"I think it's also high time, and in this particular area, Tomas Morato, South Triangle, eh maglagay tayo ng mga gan'on na parang mayroong istatwa ni Ninong Dolphy na tumatawa. So, maraming magpapa-picture doon," paliwanag ni QC Mayor Herbert Bautista sa panayam ni Lhar Santiago sa Chika Minute nitong Martes.
Bagamat sa Tondo, Manila lumaki at nag-aral ang Comedy King, naging malaking bahagi rin sa buhay ng yumaong komedyante ang Quezon City dahil sa kanyang trabaho bilang isang artista.
Ayon kay Herbert na isa ring artista at komedyante, plano ng lokal ng pamahalaan na isagawa ang proyekto sa loob ng dalawang taon.
"Many people actually go to that area [South Triangle] near the networks para lang mag-abang ng mga artista. So, if we put a tribute to Dolphy, I'm sure matutuwa ang mga tao at dadayuhin nila 'yan [ang rebulto ni Dolphy]," pahayag naman ni QC Vice Mayor Josefina Belmonte.
Bukod kay Dolphy, plano rin ng lungsod na magpatayo ng rebulto ang iba pang mga artista tulad ng yumao na ring Action King at National Artist na si Fernando Poe Jr.
Ipinaalam din ni Mayor Herbert na bago pa man pumanaw si Dolphy ay nabili ng lungsod ang lupain ng komedyante sa Novaliches na pagtatayuan ng eskuwelahan.
"Mayroong lupa diyan si Tito Dolphy sa may Barangay Gulod. Binili naming. Walang high school doon, tatayuan namin ng High school. If he becomes National Artist, I'm also pushing that the high school be named Rodolfo Quizon High School," ayon sa alkalde. - Mac Macapendeg/FRJ, GMA News
source: gmanetwork.com