Wednesday

Rocco Nacino says no to gay roles and politics


Natutuwa si Rocco Nacino para sa kasabayan niya sa StarStruck V na si Enzo Pineda na na-upgrade na ang level nito bilang leading man sa afternoon soap ng GMA-7 na Kakambal Ni Eliana.

Sabi ni Rocco, “Masaya ako para sa kanya.

“Actually, sinuportahan ko din siya, nagtu-tweet ako, ‘Tara! Manood kayo ng Kakambal Ni Eliana!’



“So siyempre, suporta para sa kaibigan ko.

"And I’m happy for him... tagal siyang naghintay, e.”

Nakausap ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rocco sa taping ng Unforgettable sa Tagaytay City last week.

Kahit kailan daw ay hindi naging isyu sa kanila na si Rocco ang madalas nabibigyan ng magagandang breaks sa GMA-7, kahit na Second Prince lamang ito at si Enzo ang First Prince. Si Steven Silva naman ang tinanghal na Ultimate Male Survivor.

Ayon kay Rocco, “A, hindi! It’s just a matter of waiting for good opportunities, picking the opportunities. Tsaka staying positive na magkakaroon ka ng magandang projects.

“So ginawa ni Enzo yun, never naman siyang nagreklamo—ayan, dumating na yung time na napasok siya sa show na ‘yan.

“At lagi niyang ikinukuwento sa akin kung gaano siya ka-excited.”

FRUSTRATIONS and PRIORITIES. Umamin si Enzo sa isang interview noon dito sa PEP, na bago ang Kakambal Ni Eliana ay may pagkakataong umiyak siya dahil napa-frustrate na siya sa kanyang showbiz career. Na hindi nito alam kung saan siya lulugar dati.

Naranasan rin daw ito ni Rocco.

Sabi ng 26-year-old actor, “Honestly, after ng shows ko, parang wala pang isang buwan, hinahanap ko na yung kamera, hinahanap ko na yung puyat, yung taping.

“So may time nararamdaman ko rin yung frustration na yun.

“Na, ‘Gusto kong mag-taping, gusto kong magtrabaho!’”

Si Rocco ang tipo ng tao na mas priority ang career kaysa lovelife.

“Oo. Alam naman natin na siyempre dapat ini-enjoy natin ang buhay natin.

“Pero mas iniisip ko na hindi naman ako magla-last sa showbiz, hindi naman ako tatanda sa showbiz, so I have to make the most out of it.

“Kung kayang mag–ipon nang mag-ipon, magtrabaho nang magtrabaho, mag-aral nang mag-aral para gumaling lalo sa craft ko, gagawin ko ngayon yun.

“Kung 2013, ito yung mga pumapasok na opportunities sa akin, sasamantalahin ko, pagbubuthin ko ang trabaho ko.”

INSPIRATION. Kanino siya kumukuha ng inspirasyon?

“Sa trabaho ko!" bulalas ni Rocco.

"Hindi siya kanino, kung saan—sa trabaho at sa magulang ko...

“Iyon nga, I’m doing this for them din—para sa kapatid ko na nag-aaral ngayon.”

Kahati raw si Rocco ng mga magulang niya sa mga gastusin sa pag-aaral ng nakababatang kapatid niya na si Kyle Nacino.

“Tri-sem [tri-semester] siya, so tig-isa kaming semester,” ang nakangiting sabi ni Rocco.

Sa De La Salle University nag-aaral ang kapatid niyang lalaki na second year na sa kursong Industrial Engineering.

Sabi pa ni Rocco, “Magastos, pero at last kahit papaano, naibabalik naman niya yung mga binabayaran namin, magaganda ang grades niya. 

“At the same time, varsity siya ng judo.”

Guwapo rin ba ang kapatid niya tulad niya?

“Mas guwapo yun sa akin, mas matangkad pa,” proud na sabi ni Rocco.

Mag-aartista rin daw ito pagkatapos ng pag-aaral.

“Same style na ginawa sa akin, aral muna bago mag-artista.”

Si Rocco ay nagtapos muna ng kanyang pag-aaral bago pumasok ng showbiz. Isa siyang registered nurse.

NO MORE GAY ROLES. Nakadalawang gay roles na si Rocco—sa Ang Sayaw ng Dalawang Kaliwang Paa (2011) at I Love You Pare (2013).

Sa ngayon ay ayaw muna raw niyang gumanap na bading sa pelikula o telebisyon.

“Hindi muna. Ang daming pumapasok ngayon na magagandang roles.

“Wala muna... There’s a lot of good roles na puwedeng pagpilian o paglaruan, so focused muna ako doon.”

Dalawang indie films ang tinatapos ni Rocco ngayon—Burgos at Ibong Adarna.

Ang Burgos ay tungkol sa kuwento ni Editha Burgos, ang ina ng nawawalang aktibista na si Jonas Burgos. Si Lorna Tolentino ang gaganap na Mrs. Burgos at si Rocco naman ang gaganap sa papel ni Jonas. Mula ito sa direksiyon ni Joel Lamangan.

Ang Ibong Adarna naman ay base sa istorya ng orihinal na kuwento ng Ibong Adarna, kung saan si Rocco ang gaganap sa papel ng bunso sa tatlong prinsipe at siyang makakahuli sa mahiwagang ibon.

May isa pang indie film na nasimulan si Rocco, ang Lam-ang, ngunit nahinto ang shooting nito. May balita ba siya kung matutuloy pa ito?

Sabi ng Kapuso actor, “On-hold pa rin, e. Sayang.

"Pero actually, yung team ng Lam-ang, iyon ang gumagawa ng Ibong Adarna ngayon. Iba lang yung production, iba yung producer.”

Thirty percent na raw ang nakunan nila para sa sa Lam-Ang at hindi alam ni Rocco kung bakit hindi natutuloy ang shoot nito.

Biniro namin si Rocco na mas maraming matutuwa sa kanya sa Lam-ang dahil doon ay naka-bahag siya. Sa Ibong Adarna kasi ay balot na balot  ang katawan niya.

NAUGHTY CONCEPT. Kaugnay ng usaping paghuhubad, tatlong beses nang rumampa si Rocco sa Cosmo Bachelor Bash. This year ba ay rarampa ulit siya?

“Ngayon pinag-iisapan ko kasi nakatatlo na ako, baka nagsasawa na ang mga tao sa akin!” sabay tawa niya.

“So kung bibigyan ako ng magandang prod number or ma-feature ako sa magazine, may naisip na akong very naughty concept.

“Doon malalaman kung sakaling magko-Cosmo ako this year.”

As in naughty ang naiisip niyang “pasabog”?

“Naughty, naughty. Look at my smile,” sabay pilyong ngumiti si Rocco.

May butt exposure?

“A, naughty!” at tumawa si Rocco.

POLITICS. Marami ang pumupuri sa pagganap ni Rocco bilang idealistic young mayor sa GMA News TV series na Bayan Ko. Sa tunay na buhay ba ay pumasok sa isip niya na pasukin ang pulitika?

Sagot niya, “Ang daming nagyayaya, ang daming nagsasabi, ‘Halika, umpisahan na natin ang campaign mo!’ Ganyan-ganyan.

"Sabi ko, huwag muna, ayoko ng mga ganyan. Hindi, huwag muna.

"Hindi talaga... hindi ko inisip.

“Ayoko, hindi ko kakayanin yung stress diyan.

“Although mahilig akong gumawa ng ideas na makakatulong sa mga tao, pero I don’t think na kakayanin ko yung ganoong klaseng role.

“I’ll just leave it to the experts siguro.”

INVESTMENTS. Sa loob ng tatlong taon niya sa showbiz, ano ang masasabi ni Rocco na pinakamalaking investment niya?

“Itong Elorde Gym ko sa Ortigas, and soon magtatayo na kami ng Elorde-Marikina.

“And gusto ko pa ring matuloy yung balak ko na magtayo ng sariling parking business.

“Bibili ako ng lupa, magpapatayo ako ng building, tapos gagawin ko siyang parking business.

“Something low-maintenance, pero gusto ko ng lupa sa prime area,” sabi niya. - Rommel Gonzales, PEP

source: gmanetwork.com