Saturday

Regine Velasquez begins one-month rest


Ang final episode ng magazine showbiz talk show ng GMA-7 na H.O.T. TV noong Linggo, April 28, ang huling live appearance sa telebisyon ng Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.

Ito ay para sa kanyang nai-announce na pamamahinga upang gamutin ang kanyang acid reflux.

Ang acid reflux, ayon sa freedictionary.com, "is a chronic condition in which the lower esophageal sphincter allows gastric acids to reflux into the esophagus, causing heartburn, acid indigestion, and possible injury to the esophageal lining.”

May dalawang linggo na ang nakalilipas mula nang i-announce ni Regine ang kanyang pamamahinga pansamantala sa telebisyon—kabilang na nga rito ang hindi muna niya paglabas sa Sunday musical-variety show na Party Pilipinas.

H.O.T. TV. Sa panayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) kay Regine noong Linggo sa GMA Studios, nagpahayag ng pagkalungkot ang singer-actress sa pagkakasibak ng H.O.T. TV.

Saad niya, “Oo naman, malungkot din kasi marami rin kaming napagsamahan nung mga staff, nung mga co-host.

“Although nakakasama ko naman sila sa Party Pilipinas—except for Kuya Dick [Roderick Paulate]—hindi naman talaga kami nakakapag-usap nina Raymond [Gutierrez] and Jennylyn [Mercado] sa Party P.

 “So, yung H.O.T. TV, nakakapagtsikahan kami sa show mismo.

“Kami ni Raymond, bilang magkasama kami sa iisang dressing room, may mga kuwentuhan kami na nakakatawa lang.

“So, nakaka-miss yung ganun.

“Tapos, marami akong napapanood sa show na hindi ko ma-imagine na meron palang mga ganung talent or kuwento ang mga Pinoy na nakakabilib.

“Pero talagang gano’n, the show has to end. You cannot do anything about it.

“Again, it’s management decision.

“They felt siguro na it’s about time na tapusin na yung show, though I really don’t know the reason why.”

Totoo bang hindi sila naabisuhan nang maaga sa pagtatapos ng kanilang show?

Sagot ni Regine, “Nasabihan naman kami. Pero just like what I said, gano’n talaga.

“So, tanggapin mo na lang yung mga ganung bagay. 

“Marami talagang nangyayari sa mundo ng telebisyon.”

REST PERIOD. Hindi kaya dahil mawawala siya sa show ng apat na linggo at nauna na ring nagpahinga si Roderick—na kumakampanya sa ikalawang termino niya bilang councilor sa Quezon City—kaya tinanggal na lang ang show?

“Hindi naman,” sambit ni Regine.

“Unfair naman for Raymond and Jennylyn na ang galing-galing.

“Si Raymond, magaling talaga. Si Jennylyn, nakakatuwa kasi magaling siya and she’s easy to work with—na parang hindi siya aware na may talent siya sa ganitong klase ng hosting.

“Sinabi ko naman sa kanila weeks ahead na plano kong magpahinga.

“Kasi after my Silver concert in Arena, na-feel ko na parang kailangan kong mag-rest.

"Hindi dahil stress ako sa trabaho, or trip lang or gusto ko lang. Feeling ko, may mali sa lalamunan…

“Actually, feeling ko nga, hindi lang dahil viral yung dumapong sakit ko nung concert.

“Feeling ko, nasabayan pa yun ng acid reflux ko kaya nawalan ako ng boses.

“Kasi in my entire singing career, never akong binitiwan ng boses ko.

“Kahit may sipon ako or kahit may ubo ako, lalabas at lalabas ang boses ko.

“Pero yung sa concert ko, wala talaga. As in, hindi ako makakanta kahit yung relax part lang ng singing ko.

“So, nung magpa-checkup ako, sabi nga ng doctor ko, medyo maano yung acid reflux ko.

“Ang advice nga ng doctor, surgery raw para raw hindi umakyat yung acid from my stomach papuntang esophagus ko.

“Kasi yung acid ko, umaakyat sa lalamunan kaya humahapdi yung throat ko.

“Pag nagsasalita na ako nang matagal, as in parang nanunuyo na yung lalamunan ko, humahapdi na.

“Sabi ko, ‘Ano ‘to? Operasyon agad? Agad-agad?’

“Pero according to my doctor, puwede naman daw na gamutin na hindi na kailangan ng surgery.”

Patuloy niyang paglilinaw tungkol sa pagsasara ng H.O.T. TV, “Hindi naman… hindi naman dahil sa akin kaya tinanggal na yung show.

“Puwede naman silang maglagay ng iba, marami namang talents ang GMA-7 na magaling and controversial pa.

“Bago naman ako nagdedesisyon sa mga bagay-bagay, kinakausap muna namin yung management.”
 
CHANGES IN HER BODY.
Aminado si Regine na marami na siyang pagbabago na nararamdaman sa kanyang katawan.

“Bilang ma-dyonda na ang lola mo…” sabi niya na ang ibig sabihin niya ay matanda na siya, “may mga pagbabago na akong nararamdaman sa katawan ko.

“Gano'n pala ang katawan ng mga babae pag nanganak ka—ang daming pagbabago.

“May hormonal imbalance, bumabagal din yung metabolism mo, tapos tumaba ako. Then, nag-diet nang bonggang-bongga.

“E, nung nagbuntis ako, matagal akong hindi nakakanta, di ba? So, parang napahinga yung lalamunan ko.

“Hindi ko siya nai-exercise tapos nagkaroon pa ako ng acid reflux.

“Hindi ko nga maintindihan kung bakit at paano ako nagkaroon ng ganito, wala naman akong nararamdaman dati.

“So, parang nagulo ang buong sistema ko sa mga kung anu-anong pagbabagong nangyayari sa katawan ko.

“Part yun sa pagdadaanan naming mga babae na hindi mo maiiwasan.”

Hindi naman kabado o nag-aalala si Regine sa kanyang kalagayan.

Aniya, “Hindi naman siya grabe.

“Yun nga lang, kapag napabayaan mong sumisirku-sirko yung acid mo sa esophagus mo, medyo baka mag-worsen pa nang husto.

“Ang sabi lang ng doctor, habang naggagamutan, wala munang other activities that can generate stress or yung naaaligaga ka nang husto.

“Then, isasabay na rin yung throat ko.

“Nakakanta naman ako, nakakabirit. Pero yun nga, medyo humahapdi yung lalamunan ko at saka hirap talaga akong kumanta.

“Di ba, when I talk, talagang daldal? So, pag tumatagal, sumasakit na yung lalamunan ko.

“Isang buwan lang naman yung sinabi ko sa GMA-7 na magpapahinga ako.

“Pero the treatment itself for the reflux, I don’t know how long.

“Siyempre, marami nang bawal na kainin na puwedeng mag-trigger ng acid.

“Naisip ko, sige, bilang nagda-diet naman ako.”

ACTING AWARD. Sa katatapos lang na Golden Screen Awards ay hinirang si Regine bilang Best Actress in Musical or Comedy para sa pagganap niya sa Of All The Things.

Hindi pa rin halos makapaniwala si Regine sa natamong karangalan.

Saad niya, “Unang-una, nagpapasalamat talaga ako sa ENPRESS.

“Honestly, hindi ko talaga inaaasahan etong award ito and I’m really, really happy for that recognition.

“Alam naman ninyo kung ano yung pinagdaanan nung movie—years in the making.

“Papasok ako sa isang location, bahay, or resto na payat ako, paglabas ko, ang lapad ng mukha ko!

“Parang galing ako sa isang eksena na may buffet kaya paglabas ko, nag-iba na agad ang hitsura.

“Magaling si Joyce Bernal [director of the film]. Hindi ko alam kung anong magic ang ginagawa niya at napagdugtung-dugtong niya.

“And the other actresses who were also nominated in that category are my friends at ang galing-galing nila—like si Uge [Eugene Domingo], Zsa Zsa Padilla, si Shamaine Buencamino.

“Paano ka ba naman lalaban sa kanila, like si Uge, e, ang galing-galing nun? Kaya talagang gulat na gulat ako.

“Siguro, nakakatawa at nakakatuwa lang talaga ang hitsura ko.

“Salamat talaga sa ENPRESS and sa Golden Screen Awards.”

Mas kabado pa nga raw si Regine sa nomination ng asawa niyang si Ogie Alcasid sa kategoryang Best Actor in a Musical-Comedy para naman sa pagganap nito sa I Do Bidoo Bidoo.

Pero ang nagwagi ay ang kapareha ni Regine sa Of All The Things na si Aga Muhlach.

Wala pang plano si Regine kung ano ang mangyayari sa mga darating na buwan ngayong magtatapos na rin ang kontrata niya sa GMA-7 sa August.

Ang importante raw sa buhay ngayon ng music icon ay ang gumaling sa kanyang karamdaman at patuloy na magampanan ang kanyang role bilang misis ni Ogie at ina ni Nate. -- Rey Pumaloy, PEP

source: gmanetwork.com