Monday
How Maine Mendoza became part of the ‘Eat Bulaga’ family
Ilang buwan na rin ang nakalipas mula nang maging bahagi si Maine Mendoza a.k.a. Yaya Dub ng noontime show na “Eat Bulaga,” at mula nga sa pagiging yaya ni Lola Nidora, nagpapakilig na siya ngayon sa kauna-unahang Kalyeserye ng naturang programa kasama ang Pambansang Bae na si Alden Richards.
Hindi lingid sa kaalaman ng marami na una nang sumikat si Maine sa social media dahil sa kaniyang mga nakakatuwang Dubsmash videos.
Gayunpaman, marami pa rin ang nagtatanong kung paano nga ba siya naging opisyal na bahagi ng isa sa pinakasikat at itinuturing na longest-running noontime show sa bansa kasama ang ilan sa mga batikang host at komedyante sa industriya.
Sa isang blog post, isiniwalat ni Maine ang kaniyang naging karanasan mula sa pagiging simpleng culinary arts student, Dubsmash Queen ng Pilipinas, at Eat Bulaga Dabarkads.
Aniya, inilihim niya ang pagkuha sa kaniya ng Eat Bulaga maging sa mga pinakamalalapit niyang kaibigan at ipinaalam lamang ito sa kaniyang pamilya dahil siya raw mismo ay hindi makapaniwalang kinukuha siya ng naturang noontime show, na isa nang institusyon sa telebisyon.
“Maybe they saw a potential in me (through my Dubsmash videos) to be a 'Dabarkad.' I don’t know, until now I still cannot believe I am already a part of the EB family. I still question myself every now and then, 'Ano ba’ng ginawa ko? Ano ba’ng meron sakin? Bakit ako?' Things like that.”
Kuwento ni Maine, tinawagan siya ng staff na Eat Bulaga para sa isang interview, at ilang araw lamang ay muli siyang tinawagan upang sabihin na nakapasa siya at magiging bahagi na siya ng noontime show.
Bago siya sumabak sa 'Juan For All, All For Juan' segment, pinanood niya muna sina Wally Bayola, Jose Manalo, at Paolo Ballesteros nang live sa isang barangay. Kalaunan, makakasama niya ang tatlong ito upang magpasaya, magpakilig, at magpaiyak sa kauna-unahang Kalyeserye sa telebisyon.
Ayon kay Maine, “They invited me to watch Juan For All-All For Juan segment live (I remember it was a Thursday); asked me to observe how things come off in the set and see if I am okay with it. I told them I am totally fine with everything and then the next thing I heard was 'Okay, good. Sa Sabado ka na ila-launch.”
“I am mentally freaking out already. WHAT. OKAY. WAIT. DI KO MAISIP. OKAY. THURSDAY NGAYON. BUKAS MAKALAWA SABADO NA. OKAY. WAIT. TEKA. UHM. UHM. OH MY GOD. SERYOSO BA YUN. TEKA. DI KO MAISIP. THURSDAY, FRIDAY. SATURDAY. SABADO. SABADO NA. AGAD AGAD. OKAY. SO. SABADO. KERI BA,” pagpapatuloy niya.
Sa kabila ng matinding kaba, ipinagpatuloy niya pa rin ito dahil matagal na umanong pangarap ni Maine ang maging isang artista.
Ibinahagi pa niya sa naunang pahayag na ang pagiging artista ang kaniyang “secret dream” na hindi niya sinasabi kahit kanino dahil bukod sa natatakot siya na mapagtawanan, tingin niya rin daw ay imposibleng matupad ang pangarap na ito.
Hulyo 4 nang ipakilala si Maine bilang Divina Ursula Bokbokoba Smash a.k.a Yaya Dub (Smash), ang alalay ng sosyal na si Lola Nidora.
Sa loob ng sandaling panahon na naging bahagi siya ng Eat Bulaga, masaya raw siya na napapalapit na siya sa mga kasamahan niya, artista man o staff.
Pagbabahagi ni Maine, “I was excited and nervous at the same time. It was my first time to be on live TV and I had no idea on how the show would go. Even so, I think I did fine on my first day. (just fine) Well, I tried my best to keep/look calm and poised. It’s already my seventh week at Juan For All and I must say I am really having a good time at the set! Nakakaride na ako. And the staff, gee, love ’em. I love how in a short time I feel like I already belong.” — Bianca Rose Dabu/JDS, GMA News
source: gmanetwork.com