Friday

Alessandra de Rossi on the elusive Best Actress trophy: 'Ang market ko, wala rito, nandoon sa abroad.'


“Wala akong ine-expect."

Ito ang kaswal at diretsong sagot ni Alessandra de Rossi nang makausap siya ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sa 35th Gawad Urian noong Miyerkules, June 13, sa AFP Theater, Camp Crame, Quezon City.





Nominado si Alex sa kategoryang Best Actress para sa pagganap niya sa pelikulang Ka Oryang.

Naka-red long gown si Alessandra na gawa raw ng designer na si Oliver Tolentino.

May kuwento rin daw ang suot niyang gown.

Ayon kay Alessandra, “Kasi ang gown na ito, hiniram ko last year pa kay Oliver Tolentino.

“E, hindi ganoon ka-formal ang awards night. So, parang sabi ko, ‘Ay, baka naman mangangain lang ang gown ko do’n ng utaw [tao], e, huwag na.’

“E, as of two weeks ago, pinapasoli na ang gown.

"Sabi ko, ‘Wit, wit, wit! I know, one year na siya sa akin, pero hindi ko pa siya nagagamit.

“’O sige na nga, susuutin ko na siya sa Urian para puwede ko na siyang isoli.’"

Pabirong napaupo naman sa sahig si Alessandra nang sabihin ng PEP na wala namang ibinibigay na Star of the Night award ang Manunuri ng Pelikulang Pilipino.

“Ano?! Walang Star of the Night at saka gift pack from Belo?" biro pa niya.

Pero dagdag niya, “I’m sure, sa dami ng nominasyon ng dalawang pelikula ko. I’m sure, makakaakyat ako sa stage na ‘yan to display my gown na one year ko ‘tinago."

Dalawa ang pelikula niyang nominado for Best Picture sa Gawad Urian ngayong taon—Busong at Ka Oryang.

Kaya sabi ni Alessandra, "I need to be here. I have to be here.

"Ako lang yata ang artistang dalawa ang pelikula."

NOMINEE FOREVER, NEVER A WINNER? Pero medyo nag-iba ng timpla ang aktres nang madako ang usapan sa kung sa tingin ba niya ay maiuuwi niya ang tropeyo bilang Best Actress.

“I don’t think mananalo ako," sabi niya.

Parang ang negative naman agad ng nasa isip niya?

“Hindi naman. Never naman akong nanalo. So, what’s the point?" sabi niya.

At "nagdilang-anghel" nga si Alessandra dahil ang nanalo ay si Maja Salvador para sa pagganap niya sa Thelma.

Ganun pa man, si Alessandra ay itinuturing na isa sa pinakamahusay umarte sa kanyang henerasyon.

Madalas nga siyang maging nominado sa mga ginagawa niyang pelikula. Madalas din ay nabibigyan siya ng rekognisyon sa film festivals abroad.

RIGHT CHOICES. Ilang araw bago ang Gawad Urian ay nakausap ng PEP si Alessandra tungkol sa kanyang nominasyon.

“Feeling ko? Masaya ako kasi alam ko na from the start, tama ang mga proyektong pinipili ko.

“Lahat ng projects na meron ako, nakakarating abroad.

"As in, hindi lang once. Halos lahat ng film festivals, nagta-travel sila," pagtukoy niya sa kanyang mga pelikula.

Dagdag niya, “Suwerte ang pakiramdam ko. At the same time, I thank myself for making the right choices."

Hindi raw siya napapagod sa paggawa ng indie films.

Aniya, “Basta may saysay.

“Marami rin naman akong tinatanggihan. In fairness to me, nakaapat na tanggi na nga ako ng pelikula this year."

HER NEW INDIE FILMS. May katatapos lang din daw siyang isa pang indie film para sa Cinemalaya—ang Santa NiƱa kasama si Coco Martin.

May gagawin din daw siyang Baybayin kasama naman ang kapatid niyang si Assunta de Rossi na magsisilbing prequel ng Busong.

Ano ang nararamdaman niya na sa dami ng nominasyon niya noon pa man, madalas ay hindi siya ang nananalo?

“I don’t care. Wala… kasi after a while naman, you’re numb na.

"Kahit naman yung mga first time na natalo ako, hindi naman ako nalulungkot.

“Fifteen years? Hello!" pagtukoy ng aktres sa inilagi na niya sa industriya.

"At saka, in fairness to me, hindi rin naman ako nahe-hurt noon kasi noong mga very first few years na nano-nominate ako, ang lagi kong kalaban—Vilma Santos, Nora Aunor, Sharon Cuneta, Maricel Soriano, and Alessandra de Rossi," sabay banggit ng kanyang pangalan bilang kahilera ng mga magagaling na aktres na nakakasama niya sa nominasyon.

“So, paano naman sasama ang loob mo kung matalo ka? Di ba, parang ang labo naman noon?

“Siguro, nasanay rin ako na ganoon. A-attend ka lang to present then pagka-announce ng Best Actress, uwian na. Alam mo na yun."

UNAPPRECIATED LOCALLY? Sa kabilang banda, hindi ba nagiging negatibo ang epekto noon sa kanya sa halip na mas ma-inspire sana siya kung nakakasungkit siya ng award?

“Hindi ako ganoon kasi, I give my best," sabi ni Alex.

“And like I’ve said, ang market ko, wala rito, nandoon sa abroad.

"So, ano ang magagawa ko kung dito laos ang beauty ko, pero doon, winner, di ba?"

Sa lovelife niya, pang-international din ba?

“Sabi nila, parang! Pero hindi pa ako naa-attract sa foreigner.

"Sana Pinoy pa rin, pero dapat daw hindi.

“So, we’ll see. We can never tell. Kasi, sa strong ng ugali ko."

NEXT KAPUSO PROJECT? Ano ang susunod niyang project sa GMA-7 pagkatapos ng Legacy?

“Wala…waiting in vain!" biro niya.

Hirit din ni Alex, “Kahit naman hindi pa ngayon kasi ang yaman-yaman ko pa naman. So, okay lang sa akin.

“Mga two months puwede pa akong magpahinga.

"Two shows lang naman ang ipinangako sa akin ng GMA.

“Nabigay naman nila ang two shows in a year so dalawa na lang.

"Then after that, kung may renewal, go! Kung wala, e, di go away! Charos!" -- Rose Garcia, PEP

source: gmanetwork.com