Nakilala ang 20-year-old netizen na si Nicomaine Mendoza dahil sa kaniyang mga nakatutuwang 'Dubsmash' videos, kung saan makikitang nagli-lip sync siya ng iba't ibang eksena mula sa mga TV shows, pelikula, patalastas, at marami pang iba.
Dahil sa milyon-milyong views na nakamit ng kaniyang mga video, binansagan na siyang “Dubsmash Queen” sa social networking sites.
Nitong mga nagdaang linggo, naging kapansin-pansin na isa na siya sa mga regular na napanonood sa “Sugod Bahay: Juan for All, All for Juan” segment ng longest-running noontime show na “Eat Bulaga.”
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
More from: http://www.gmanetwork.com/news/story/522246/showbiz/chikaminute/yaya-dub-ng-eat-bulaga-na-si-maine-mendoza-secret-dream-ang-maging-isang-artista Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
More from: http://www.gmanetwork.com/news/story/522246/showbiz/chikaminute/yaya-dub-ng-eat-bulaga-na-si-maine-mendoza-secret-dream-ang-maging-isang-artista Video courtesy of GMANetwork.com-Entertainment
Dito ay kasama niya sina Jose Manalo, Paolo Ballesteros, at Wally Bayola, aka Lola Nidora.
Ipinakilala si Maine bilang si Divina Ursula Bukbukoba Smash, o "Yaya Dub" ni Lola Nidora.
Hindi man siya nagkakaroon ng dialogue, aliw na aliw naman ang mga manonood sa live niyang pagli-lip sync, pagse-selfie, at sa mga todo-bigay niyang facial expressions.
Sa episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho” nitong Linggo, ibinahagi ni Maine ang kaniyang pagkahilig sa pag-e-emote sa harap ng camera at kung paano ito naging daan upang matupad niya ang isa sa kanyang mga pangarap.
Bago siya makilala dahil sa kaniyang “Dubsmash” videos, graduate si Maine ng Culinary Arts mula sa De La Salle-College of St. Benilde. Naging abala rin siya sa on-the-job training sa isang resort sa New York City, USA.
Estudyante pa lamang daw siya ay mahilig na siyang mag-lip sync at umarte sa harap ng camera. Kaya naman agad siyang nahumaling sa application na “Dubsmash” at walang kahirap-hirap niyang napapatawa ang mga nakakanood ng kaniyang videos.
“Nung inapload ko, noong una, nagkaroon ako ng 1,000 views. Tapos naalala ko, ang saya-saya ko na 'Wow, may 1,000 views ang video ko.' Tapos hanggang sa gabi, umabot na siya ng 50,000. So proud na proud ako, sinasabi ko pa sa mga kapatid ko, sa mga magulang ko. Tapos kinabukasan, nag-one million views! Hindi ko talaga ine-expect,” kuwento ni Maine.
Dagdag pa niya, “Napansin agad sa first video ko, yung kay Kris Aquino. Ginagaya ko siya sa pagwa-wacky ko, pero normal na sa akin 'yon. Bata pa lang ako, sanay na akong mag-wacky. Kapag kausap ko mga kaibigan ko, mga kamag-anak ko, yung reaksyon ko talaga is wacky-wacky lang.”
Ngayon, nagpapasalamat ang dalaga sa lahat ng mga nag-like at nag-share ng kanyang videos dahil naging daan raw ito upang ma-discover siya ng “Eat Bulaga” at matupad ang pangarap niyang maging artista.
Aniya, “Ito 'yung secret ultimate dream ko, maging artista. Pero hindi ko siya sinasabi sa friends ko or hit kanino kasi feeling ko pagtatawanan lang ako kapag nalaman nilang gusto kong maging artista. Ang tingin ko sa pag-aartista noon, medyo impossible. Wala naman akong talent or kahit ano."
"Nagulat din yung family ko na biglang ganito. Nakakagulat talaga kasi secret ultimate dream ko 'yon, and nandito na ako. I'm getting there. Living the dream,” dagdag pa ng dalaga.
Hindi naman itinanggi ni Maine na kinabahan siya sa unang pagsalang niya sa naturang noontime show, lalo na't makakasama niya ang mga batikang hosts at komedyante na sina Jose, Wally, at Paolo, at makakasama rin siya sa paglilibot ng mga ito sa iba't ibang barangay.
Higit umano sa lahat, naging hamon sa kanya ang pagli-lip sync sa live television. Hindi katulad ng pagre-record sa cell phone at pag-upload online, wala raw siyang pagkakataong itama ang kanyang pagkakamali sa telebisyon.
Pagbabahagi ng “Dubsmash Queen” ng Pilipinas, “Noong una po, natatakot ako kasi biglang salang. Wala akong workshop, wala akong pinagdaanang kahit ano. Dubsmash lang talaga at yung pagpapangit ko lang sa camera. Pero ayun, tingin ko medyo okay naman, saka natututo naman ako.” -- FRJ, GMA News
source: gmanetwork.com