Wednesday

Rosanna Roces reacts to court’s decision on breach of contract case filed by GMA-7


Nagpahayag ng kanyang saloobin ang aktres na si Rosanna Roces tungkol sa naging desisyon ng korte sa kasong breach of contract na isinampa ng GMA Network laban sa kanya.

Napatunayan ng Quezon City Regional Trial Court na guilty ang aktres sa paglabag sa kontrata nito bilang StarTalk host noong 2004.



Walong taon na ang nakalilipas nang maisampa ang kasong ito ng dating home network ni Rosanna.

Ayon sa isa sa post ni Rosanna sa kanyang Facebook account noong September 15, idiniin niya na wala na siyang update tungkol sa kaso simula nang mamatay ang kanyang abugado.

“UNA wala akong natatanggap na anumang sulat kung me hearing o wala pangalawa.. namatay ang abugado kong si ATTY DAVE PUYAT at magmula nuon kung anuman ang nangyari sa kaso ay clueless ako,” sabi ng aktres.

Ayon sa desisyon ni Presiding Judge Alfonso C. Ruiz III ng Quezon City Regional Trial Court, hindi sapat ang pagpapaalam noon ni Rosanna sa StarTalk na nais na niyang mag-retire sa showbiz upang mapawalang-bisa ang kanyang kontrata.

Matatandaang nagpaalam si Rosanna bilang host ng StarTalk noong 2004. Ilang buwan ang nakalipas ay lumabas siya sa weekly showbiz talk show ng ABS-CBN na The Buzz at sa S-Files ng GMA-7

Katuwiran naman ni Rosanna, tinanggap ng GMA-7 ang kanyang resignation kaya “malinaw na pinalalaya na nila ako.”

Dagdag pa niya, “Kung ako nakakontrata pa sa kanila mula noon, e, di dapat may natatanggap akong suweldo para masabi nila na ako ay under their company's contract.”

Umaabot ng halos P2 million ang hinihinging danyos ng GMA-7 mula kay Rosanna. Kabilang dito ang liquidated damages, exemplary damages, at attorney’s fee.

Tugon naman ni Rosanna tungkol dito, “Since alam naman ng lahat ang nangyari sa buhay ko na di ko naman itinatanggi... wala akong pagkukunan ng ganyang halaga.

“At kung meron man.... di nila ito makukuha sa akin sa hirap ng buhay at sa daming isyu ng pagnanakaw sa gobyerno na katumbas ng pagnanakaw sa ating lahat na nagpapakahirap para maitaguyod lang ating pamilya sa tamang pamamaraan.”

May pahabol pa siya sa huli na: “‘CHARGE NYO NA LANG KE BONG REVILLA’. Prayers included”

ON BONG REVILLA. Nang lumabas sa balita ang desisyon sa kasong breach of contract na isinampa ng GMA-7 laban kay Rosanna, nag-post ang aktres ng ilang mensahe sa kanyang Facebook account.

Kabilang dito ang ilang patutsada kay Senator Bong Revilla, na lolo ng kanyang apong si Gab.

Ang mga magulang ni Gab ay ang anak ni Bong na si Jolo Revilla at ang panganay na anak ni Rosanna na si Grace Adriano.


Sa kanyang status, may parinig si Rosanna kay Senator Bong na: “ah baka pde mo naman ako pautangin 1.5m lang ibabayad ko daw ke GMA ayyyyy anu ba yun ! sa GMA7 pala...eh tutal dun ka naman nag wo work.pde ba ibawas na lang sa tf mo? di kaya naman pagta trabahuhan ko na lang.. pde mo ko gawing yaya ng apo ko.”

Sinubukang kontakin ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) si Rosanna upang hingan ng karagdagang pahayag, pero hindi pa siya sumasagot. -- Nerisa Almo, PEP

source: gmanetwork.com