Sunday

Louise delos Reyes: 'Hindi lang ako nawalan ng boyfriend, nawalan din ako ng best friend'


Emosyunal na inamin ng Kapuso actress na si Louise delos Reyes na dalawang linggo na silang hiwalay ng kanyang nobyong si Enzo Pineda matapos ang kanilang dalawang taong pagsasama bilang magkasintahan.

"Super painful siyempre kasi parang hindi lang ako nawalan ng isang boyfriend, nawalan din ako ng best friend," pahayag ng aktres sa panayam ng StarTalk TX na umere noong Sabado.







Samantala, naging maganda naman ang takbo ng kanilang dalawang taong pagsasama na nagsimula noong Mayo 16, 2011.

Ayon pa kay Louise, "Hindi lang siya basta boyfriend, ano ko din siya daddy ko, kuya, and best friend, best buddy kasi ang dami naming napag-uusapan."

"As in nonstop kahit hindi yong mga sweet messages, hindi lang yon, eh, more on tinutulungan namin yong isa't-isa to grow," dagdag ng aktres.

Nagsimula ang kanilang pagkakaibigan sa pamamagitan ng Twitter.

"Tapos parang naging Twitter friends kami tapos he asked my number. Nagstart na yong conversation namin through text, dumadalo sa taping tapos eventually nagkapalagayan ng loob, 'yon na nanligaw siya," wika nito.

Noong mga panahong iyon ay kasama si Louise sa teleseryeng Alakdana.

"Ako kasi, ako yong, minsan, ako yong mas mataas, I mean mas mataas yong emotion. Masyado akong emotional, siya naman yong subtle lang. Ano kami, nagmi-meet kami halfway palagi," saad nito.

Gayundin, hindi pagkakaintindihan bilang magkasintahan ang nasabing hiwalayan at iginiit din nito na walang third party na pumasok sa kanilang relasyon.

Dagdag pa ni Louise, "Hindi yong kapag nag-burst ako, magbu-burst din siya. So kapag ako yong nag-burst siya yong tahimik. Pag siya ang nagbu-burst ako yong tahimik."

Samantala, bagama't "mutual" ang pagtatapos ng kanilang relasyon, aminado ang aktres na hindi ito naging madali para sa kanya.

Aniya, "Siyempre dahil ito yong parang first serious [relationship ko], siyempre mahirap para sa'kin pero I have work. So, happy na rin ako na may trabaho ako, at least doon ko nafo-focus yong attention ko and I have my friends."

Matapos ang lahat nang ito, bukas pa rin ang pinto ni Louise sa ideyang maaayos pa nila ni Enzo ang kanilang nasirang relasyon.

Ayon pa kay Louise, "I'm not closing any doors. Open po ako sa idea na magkakaayos pa kami pero sa ngayon siguro po, mas okay nang ganito at least makakapag-focus kami sa mga bagay na sa tingin namin mas importante sa'min ngayon like our work."

"Pero yong katulad ng sinasabi nila na kailangan mo munang ibigay yong pagmamahal sa sarili mo para maibigay mo yong buong pagmamahal mo sa partner mo, sa boyfriend mo," pagtatapos nito. — BM, GMA News

source: gmanetwork.com