Saturday

LOOK: Classmate ni Yaya Dub na si Jake, ipinakita na sa kalyeserye


Hindi lang isa, kung hindi dalawang Jake na kaklase ni Yaya Dub ang ipinakita sa kalyeserye ng "Eat Bulaga." Ang isa sa dalawang Jake, nagpakaba sa AlDub Nation dahil magandang lalaki ito, mestizo at may dimple din gaya ni Alden.

Sa pagpapatuloy ng kalyeserye nitong Sabado, matiyagang naghintay ang mga dabarkads at sina lola Nidora, Tidora at Tinidora sa pagdating sa barangay ng kaklase ni Yaya Dub na si Jake.



Nagdulot ng malaking katanungan sa mga dabarkads ang katauhan ni Jake dahil napag-iisipan na magiging karibal ito ni Alden sa puso ni Yaya Dub. Katunayan, maging si Alden ay nagpahayag ng selos sa hindi pa nakikitang kaklase ng dalaga.

At sakabila ng pagtiyak ni Yaya Dub na magkaibigan lang sila ni Jake, may iba pa rin nagdududa at tila hindi nagtitiwala sa dalaga. Habang si Alden, pabalik pa lang sa Pilipinas mula sa matagumpay na show sa Dubai.

Hindi nagtagal, dumating na ang unang Jake na itinuring na "harmless" nang makita nilang bading ito kaya hindi magiging karibal ni Alden.
 




 
Ang nagpakaba sa marami ay nang dumating na ang ikalawang Jake na maayos ang pananamit, mestizo, at mabango, ayon na rin kay lola Tinidora.

Lumitaw na si Jake, ay si Jake Ejercito na anak ni Manila Mayor Joseph Estrada.














Maging sina Nidora at Nidora ay napansin din na may dimple ni Jake gaya ni Alden.

Naging magiliw naman si Jake sa mga lola na mahusay siyang inistima at pinakain ng handa nilang pandesal at isaw.

Nalaman din ng mga lola na mahilig maglakbay si Jake at may magandang edukasyon at nakapag-aral pa sa London. Mayroon na rin itong nobya.







Marami rin ang hanga sa gandang lalaki ni jake

 Sakabila ng pagiging malapit kay Yaya Dub, sinabi ni Jake na magkaibigan lang sila ng dalaga at nagtutulungan sa business model na kanilang ginawa sa school na naglalayong maghikayat sa mga kabataan na pasukin ang pagnenegosyo.

Dahil pupunta na siya sa Singapore sa susunod na linggo para mag-aral, nagtungo siya sa barangay para ibigay kay Yaya Dub ang mga dokumento tungkol sa ginawa nilang business model.

Katunayan, iminungkahi pa ni Jake kay Yaya Dub na isama si Alden na maging business partner sa itatayo nitong negosyo.

Pero kahit nasa Singapore, magsisilbi pa rin daw manager ng kanilang itatayong negosyo si Jake, ayon kay Yaya.

Dahil napatunayan na walang ibang namamagitan kina Yaya at Jake maliban sa paggiging magkaibigan, binigyan-diin ni Lola Nidora ang kahalagahan ng pagtitiwala sa tao at hindi dapat maghuhusga kaagad.

Nang makaalis na si Jake, mayroon daw larawan na naiwan ang binata sa folder pero naging palaisipan kung sino ito dahil hindi na ipinakita sa publiko.

At bago tumunog ang busina na indikasyon ng pagtatapos ng episode, nakatanggap si Yaya Dub ng tawag patungkol kay Alden na tila nakakabala. Ano kaya iyon? Abangan. -- FRJ, GMA News

source: gmanetwork.com