Saturday

Surpresa ni Lola Nidora sa AlDub Nation, sama-sama sa Philippine Arena


Isinapubliko na ni Lola Nidora nitong Sabado sa Kalyeserye ng Eat Bulaga ang surpresa niya kina Alden, Yaya Dub at sa buong AlDub Nation. Ito ay ang makabuluhang pagsama-sama sa Philippine Arena sa Bulacan sa Sabado, Oktubre 24.

Sa episode ng kalyeserye nitong Sabado, Oct. 17, muli nang nabuo ang AlDub love team nang dumating na si Yaya Dub at magpakilig silang muli ni Alden via split screen.

Unang ibinigay ni Lola Nidora ang dalawang magkahiwalay na kahon kina Yaya Dub at Alden na naglalaman ng cup cakes na may letra na kailangan nilang buuin.

Nang mabuo na ang mga letra, lumabas ang salitang "tamang panahon," na indikasyon ng pagpayag ni Lola Nidora na magkitang muli at magkasama ng personal sina Yaya Dub at Alden.

Pero hindi lang para sa dalawa ang regalo ni Lola Nidora dahil inimbitahan din niya sa kaniyang munting bungalow na Philippine Arena ang buong AlDub Nation sa Oct 24.

Ngunit hindi simpleng pagkikita-kita ang plano ni Nidora dahil nais niya itong maging makabuluhan at makasaysayan.

Nais ni Lola Nidora na maglagay ng mga "AlDub library" sa buong bansa at dito makikita ang pagkakaisa at bayanihan ng AlDub Nation.

Ang kikitain sa mga tiket na bibilhin para makapasok sa Philippine Arena ay gagamitin lahat sa pagpapagawa ng Aldub libraries.

Pagpapakita raw ito na hindi lang kilig ang hatid ng AlDub kung hindi mayroon ding mabuting hangarin.

Ito na raw ang pinakamalaking kaganapan sa "Eat Bulaga" sa loob ng mahigit 36 na taon ng programa sa telebisyon.

Ang tiket na maaari nang mabili ay nagkakahalaga ng mula P150 hanggang sa pinakamataas na P1,200.

Ipinahayag naman ng netizens ang suporta sa makabuluhang layunin ng kalyeserye.

source: gmanetwork.com