Wednesday
Eat Bulaga offers free shuttle service to ‘Sa Tamang Panahon’ event
Magkakaroon ng libreng bus para sa lahat ng miyembro ng AlDub Nation na manonood ng 'Eat Bulaga: Sa Tamang Panahon' sa Philippine Arena sa darating na Sabado, October 24.
Itinuturing itong isa sa pinakamalaking pagtatanghal sa kasaysayan ng longest-running noontime show na 'Eat Bulaga' matapos ma-soldout ang tickets at tinatayang 55,000 katao ang pupuno sa nasabing venue.
Nitong Miyerkules, inanunsyo nina Tito Sotto at Joey de Leon bago ang episode ng Kalyeserye na magkakaroon ng libreng hatid sa Philippine Arena para sa mga manonood.
Ang tatlong terminal na maaaring puntahan ng mga manonood ay:
Broadway Centrum sa Aurora Blvd., Quezon City (MDC Buses)
Cubao Station, First North Lunzon Bus Garage sa EDSA cor. P. Tuazon, Cubao
Southbound (FLN Buses, Bataan Buses)
Navotas Terminal Station sa C-4 Road Centennial Park, Navotas City (RRCG Buses, Bus Link Buses, Delta Buses)
Aalis ang first trip sa ganap na 6:00 ng umaga, habang 7:00 ng umaga namna ang alis ng second trip.
Para naman sa mga hindi nakabili ng ticket at sa mga miyembro ng AlDub Nation na nasa ibang bansa, mayroong 'AlDub account' kung saan maaaring mag-donate para sa 'AlDub Library' project ng Eat Bulaga.
Nauna nang sinabi ng Eat Bulaga na lahat ng nalikom na pondo mula sa mga nabiling ticket—na nagkakahalaga ng P150 hanggang P1,200—ay gagamitin sa pagpapatayo ng mga tatawaging "AlDub library" sa iba't ibang bahagi ng bansa.
Pinaalalahanan rin ng Eat Bulaga Dabarkads sa lahat ng mga nais maging bahagi ng makasaysayang kaganapang ito na mag-ingat sa mga mapansamantalang tao na maaaring gamitin ang pagtitipon upang makapanlinlang ng kapwa.
—Bianca Rose Dabu/NB, GMA News
source: gmanetwork.com