Saturday

Yaya Dub at Alden, magpapalit ng puwesto sa Broadway at barangay


Nais daw ni Lola Nidora na matutuhan ni Pambansang Bae Alden Richards ang tamang paninilbihan, kaya naman bilang bahagi ng patuloy na panunuyo kay Yaya Dub, napag-desisyunan niyang pagpalitin ng pwesto ang dalawa.

Simula sa Lunes, mananatili na si Yaya Dub sa Broadway kasama ang Dabarkads, habang makakasama naman ni Alden sa Sugod Bahay sa barangay sina Lola Nidora, Tidora, at Tinidora.

Ayon pa kay Lola, nais rin niyang matutong makisalamuha si Yaya sa Dabarkads at maging close pa sa mga ito.

"Gusto kong matuto pa lalo si Yaya, tapos si Alden naman ang isasama ko sa barangay. 'Yun ang paninilbihan na gusto kong matutuhan niya," paliwanag ng matanda.




Pumayag naman sina Tito, Vic at Joey, pati na si Alden, sa mungkahi na ito ni Lola Nidora.

Matapos nito, mabilis na umalis ang magkapatid na Nidora at Tinidora kasama si Alden dahil tumawag mula sa mansyon si Rhianna at tila may hindi magandang nangyayari.

Ano kaya ang naganap sa mansyon na ikinabahala ni Lola Nidora?

--Bianca Rose Dabu/JST, GMA News

source: gmanetwork.com